Sa Liyab ng Libong Sulo

Sa Liyab ng Libong Sulo

(amihanmalaya.wordpress.com)

Ang “Sa Liyab ng Libong Sulo” ay isang bidyu-dokumentaryo na gawa nuong 1996 at hango sa librong, “Lipunan at Rebolusyong Pilipino,” ni Amado Guerrero. Inilalarawan nito ang kasaysayan ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino magmula nuong kapanahunan ng kolonyalismong Espanyol hanggang sa panahon ng imperyalismo sa pagbungad ng bagong milenyo. Tampok rito ang proletaryong pananaw sa kasaysayan, kaya nga naman binansagan itong “subersibo” at ipinagbawal pa ng reaksyunaryong gubyerno. Sa rami ng reklamo ng mga reaksyunaryo sa pelikulang ito, ni isa sa kanila ay hindi pinagusapan ang nilalaman ng pelikula ukol sa tunggalian ng uri, na batay lamang sa katotohanang nagaganap sa lipunan. Alam na alam ng mga reaksyunaryo ang batas ng tunggalian ng uri, ngunit hindi nila ito inaamin sa publiko.

Reklamo ng isa:

“Ang hanap ng lahat ay kapayapaan, kaayusan, katahimikan – mga bagay na hindi maibibigay ng pagyakap sa isang ideolohiya na di tanggap ng nakararami, na ikinokondena ng Simbahan, na di tinatangkilik ng pamahalaan.” … “Pakiramdam ko kasi’y isang pagbebrainwash… isang pagtatangka na isubo sa aking utak ang isang mapait na lason.”

Sa halip na punahin niya ang makasaysayang naratibo ng pelikula gamit ang wastong pagaargumento, nauwi siya sa paggamit ng estilong “ad homimem” at “argument from authority”. Hindi basta sinabi ng simbahan, o gubyerno ay totoo, binase lamang ng nag-iingit na kritiko ang kanyang makitid na pananaw mula sa anti-komunistang retoriko ng mga reaksyunaryo. Bukambibig niya ang salita ng mga ahenteng pang-psywar ng berdugong militar, taglay rin niya ang kababuyang lohika ng mga naghaharing uring panginoong maylupa at burgesyang kumprador. At hindi kagulat-gulat ang kanyang naging reaksyon, ang mga kaaway ay natural na kinikilabutan kapag naririnig ang mga salitang rebolusyong proletaryo, sosyalismo, komunismo: ang mga salitang ito’y nangangahulagan lamang kasi ng kanilang katapusan. Masdan na iniiwasan niya ang anumang makabuluhang pagtalakay sa mga makasaysayang kaganapang naibanggit sa dokumentaryo, alam rin nila kasi na ang kasaysayan ay hindi panig sa kanila kaya pilit nilang palabuin ito para sa sariling pakinabang.

Ito ay sumasalamin sa mga realidad ng lipunan, ang mga krimen na kinasasangkutan ng mga naghaharing uri ay hindi nabibigyan ng pansin, bagkus ay sadyang kinakalimutan. Nagagawa ng mga reaksyunaryo na baguhin ang kasaysayan gamit ang pang-estadong kapangyarihan, at palabasin na sila pa ay mapagmalasakit. Mula sa mga librong ginagamit ng mga estudyante hanggang sa anong mapanood at marinig sa telebisyon ay kontrolado ng estado. Para magbanggit ng ilan, meron pa bang balita tungkol sa masaker sa Hacienda Luisita? Naaalala pa ba ng mga tao ang Mendiola Massacre nuong 1987? Kahit ang mga lider ng mga ligal at mapayapang pagkilos para sa reporma sa lupa ay pinapatay, isang halimbawa ay yung kaso ng mga magsasaka sa Sumilao. Ang kamay ng mga naghaharing uri ay basang-basa sa dugo ng mamamayan subalit lagi na lang nagbubulag-bulagan at tikom ang bibig ng midya, maging ang simbahan.

Sa saradong mundo ng mga reaksyunaryo, wala naman talagang nangyaring mga henosidyo sa Pilipinas nuong pisikal na sinakop tayo ng mga dayuhan, masamang panaginip lang yung mga tributo na ipinataw sa sambayanan ng mga parasitikong Prayle, kolonyal na estado bilang kabuuan, imahinasyon lang yung madugong polisiyang “kill all above ten” ng U$ military nuong ipinasa tayo ng mga espanyol sa kano, at kathang-isip lang ang Bataan death march. Nililikha ng mga reaksyunaryo ang mga ganitong kabulastugan sapagkat gusto nilang kalimutan ng masa ang kasaysayan, sa ganitong paraan nais ng mga reaksyunaro na mapanatiling bulag at bingi ang kamalayan ng masa sa sanhi ng kanilang kaapihan. Gusto nilang kalimutan ng masa ang kasaysayan, ang tunggalian ng uri, at palitan ng ipinalalandakang nilang teorya ng mga produktibong pwersa. Habang atubili ang naghaharing uri sa pagpapahirap sa bayan, habang inilalako nila ang bayan sa presyong pinakamura para sa mga imperyalista, gusto nilang sabihin sa masang naghihikahos na tularan ang imperyalistang Unang Daigdig at kilalanin sila bilang tagapagligtas ng sambayanang Pilipino at ng buong sangkatauhan. Gusto nilang alisan ng pag-asa at panghinaan ng loob ang masang inaapi at pinagsasamantala. Layon ng mga reaksyunaryo na pasamain ang sosyalismo at ijustify ang walang katarungan na kaayusang panlipunan na kanilang pinakikinabangan, upang ipamukha sa anakpawis na habang buhay silang magiging alipin.

Walang tunay na “kapayapaan, kaayusan, katahimikan” sa ganitong klase ng lipunan. Ang “kapayapaan, kaayusan, katahimikan” para sa mga naghaharing uri ay sukat lang ng ayos ng pagtakbo ng kanilang mga negosyo at karera. Maingay nilang inirereklamo ang karahasan ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, pero mula’t sapul ay marahas naman talaga ang tunggalian ng uri. Dagdag pa rito, hindi nila magawang aminin ang pang araw-araw na karahasan na dinudulot ng pangangalaga sa naghaharing sistema, ang karahasang dinudulot ng kapitalismo-imperyalismo bilang kabuuan sa mga aping mamamayan ng Ikatlong Daigdig, na oras-oras na pinapatay at ginugutom.

Lagi na lang ipinapahiwatig ng mga reaksyunaryo na kasalanan ng mga mahihirap kung bakit sila mahirap, ang mga mahihirap daw ay dapat lang manatiling mahirap at ang mayayaman ay marapat lang magpakayaman. Dahilan naman ng mga relihiyosong orden, ito raw ay sadyang “likas” at kapasyahan ng “diyos”. Ayon naman sa mga sobonistang petiburges, kaya raw mahirap ang masa ay dahil sila ay tamad at bobo, kaya naman mayaman ang mayaman ay dahil sila ay masipag at matalino – ganito ang takbo ng mga kaisipang reaksyunaryo, hindi nila mabigyang sagot ang problema na sila rin ang lumikha tapos ibabaling nila ang sisi sa proletaryo. Hindi isinisikreto ng kasaysayan na ang simbahan at ang midya ay kinakasangkapan lamang ng mga naghaharing uri para sa kanilang iba’t-ibang agenda. Sabi narin ng obskurantistang simbahan magmula pa nuon upang pangatwiranan at gawing panghabangbuhay ang kanilang mapaniil na paghahari sa masa, mamamatay raw muna ang mga mahihirap bago nila makamit ang kasaganahan…duon sa “paraiso”.

Hindi tulad ng mga metapisikong reaksyunaryo, tayong mga rebolusyonaryo ay armado ng syensya, alam natin na ang takbo ng kasaysayan at ang kinabukasan ng sangkatauhan ay hindi umiikot sa mga antedelubyang kasulatin ng bibliya, sapagkat tao ang siyang may hawak ng kanyang kapalaran. Ating balik-aralan ang kasaysayan, makikita natin na ang masa ang siyang mapagpasya. Sa paraan ng kolektibong pagkilos ay magagawa ng mga inaapi at inaalipin na baguhin ang takbo ng kasaysayan, ang mga taong api mismo ang siyang lilikha ng makatotohanang paraiso dito sa lupa, aabutin natin ang isang lipunang walang pang-aapi’t pagsasamantala.

Kamatayan sa kapitalismo-imperyalismo!

Mabuhay ang Tagumpay ng Digmang Bayan!

2 Responses

  1. Mga kasama, ang taong reaksyunaryo ay sarado ang pag-iisip. Natatakot sila sa katotohanan, kaya patuloy silang namumuhay sa kasinungalingan. Kaya mga kasama ipagtuloy at mas lalo nating pagbutihin ang pagsulong ng ating rebulosyon.

    Mabuhay ang rebulosyon!

  2. mabuhay an g rebolusyon,,.

Leave a Reply